MATANDA na si Tatay. Ang buhok ay manipis at halos puti nang lahat. Ang dating matipunong pangangatawan ay bagsak na. Malayung-malayo sa itsura niya noon. Halatang pinahihirapan ng hindi pangkaraniwang sakit. Halata ring malabo na ang mga mata.
"Tay, si Sol at si Dang narito " tinapik ni Ate Neng si Tatay. Napatingin si Tatay sa amin. Sandaling pinaglipat-lipat ang tingin sa amin ni Dang. Hindi makapaniwala na naroon kami.
"Tatay," sabi ni Dang at kinuha ang kamay at nagmano. Sumunod ako. Kinuha ko ang kamay at nagmano rin.
Pagkaraan noon saka lamang tila bumalik ang diwa ni Tatay sa hindi inaasahang pagdating namin.
"Akala ko, nalimutan nyo na ako, Sol, Dang " sabi sa mahinang boses. Kaibang-kaiba na ang boses niya. Malayung-malayo sa boses na noon ay aking kinatakutan. Kaibang-kaiba sa boses na marinig ko lamang ang pagtawag sa aking pangalan ay sinasalakay na ako nang matinding kaba.
"Kumusta ka Tatay?" tanong ko at naupo ako sa gilid ng kamang bakal. Lumangitngit iyon.
"Mahina na ako. Siguro, malapit na akong mamatay."
Natahimik kami.
"Pasensiya na kayo sa bahay na ito ha? Masikip, mainit at marumi. Hindi na kasi kami makabayad doon sa dating bahay natin. Pasensiya na "
Hindi kami nagsasalitang tatlo. Hinayaan namin si Tatay na sabihin ang mga gustong sabihin.
"Tarantado kasi ako. Pero nagsisisi na ako. Sayang kung kailan nararamdaman ko na malapit na akong madedbol, saka ko naisip ang mga nagawa kong mali."
Katahimikan uli.
"Marami akong nagawang mali lalo na sayo Sol. Kailan ko lamang napagsisihan ang lahat. Pati sa iyo Dang, marami rin akong kasalanan. Patawarin nyo akong dalawa."
Kanina ko pa gustong umiyak. Pero pinipigil ko. Si Dang ay umiyak na nakita ko. Si Ate Neng, may umaagos na sa pisngi. (Itutuloy)