ISANG Linggo ng umaga ay umalis kami ni Dang. Patungo kami kina Tatay at Ate Neng sa tirahan ng mga ito sa Pasig Line, malapit sa Pedro Gil sa Sta. Ana. Tama ang sabi ni Ate Josie, kahit na may nadadama pa akong hapdi ng sugat dahil sa mga nangyari noon, kailangang kalimutan ko iyon at tingnan ang kabutihang nagawa rin naman sa akin ni Tatay. Sinabi pa ni Ate Josie, "maaaring hindi na magtagal pa ang buhay ng Tatay mo." Kahit man lang daw sa maikling panahon, maipakita ko ang pagtanaw ng utang na loob. Mahirap gawin sabi ni Ate Josie, pero iyon ang dapat.
Iskuwater ang lugar na pinuntahan namin. Dumaan kami sa maliit na eskinita na nakahambalang ang mga katawan ng hubad-barong kalalakihan na umiinom ng alak sa ganoong kaagang oras, dakong alas-otso ng umaga.
"Sigurado ka bang dito Dang?"
"Oo Ate. Dito ang sinabing address ni Ate Neng."
"Kakaawa ang tanawin dito. Paano pa kaya nabubuhay ang mga tao rito?"
"Sanay na sila."
"Mabutit nakatagal sina Tatay dito?"
"Wala naman silang pagpipilian di ba?"
Binaybay namin ang kahabaan ng eskinita. Parami nang parami ang mga taong nasa kalsada, lalaki, babae at mga batang marurusing. Ang mga bahay ay unipormado at pawang yari sa lumang plywood o gapok na tabla na ang bubong ay kalawanging yero. Ang mga bubong ay may nakapatong na goma at hollow block para hindi tangayin ng hangin.
Malayo pa ay nakita ko na ang isang babaing nasa kalsada. Nakadaster at parang nanlilimahid ang suot. Si Ate Neng!
Ang kahirapan ng buhay ay kitang-kita sa kan- yang itsura. Nasa paligid niya ang mga batang marurusing na para bang kuntentong-kuntento na sa paglalaro.
"Itigil mo Ate," sabi ni Dang.
"Bakit?"
"Natanaw ko, wala ka nang paparada-han doon dahil may creek."
Itinigil ko at naglakad na lamang kami patungo kina Ate Neng. Malayo pa ay nakita na kami. Sinalubong na niya kami.
(Itutuloy)