ILANG araw bago sumapit ang aming graduation ay tuluyan nang nanghina ang katawan ni Inay. Biglang-bigla. Dahil doon, hindi na naging regular ang pagbubukas ng aming tindahan sa palengke. Tuwing Sabado at Linggo na lamang at kami ni Dang ang nagtitinda.
"Hindi ko na kaya. Para akong nauupos na kandila," sabi ni Inay at napansin ko na parang hirap na hirap sa paghinga.
Noon lamang naasikasong dalhin ni Tatay sa ospital para magpa-check-up. Pinilit pa namin sapagkat wala raw naman masakit sa kanya. Okey daw siya.
"Balewala e ayan at nahuhulog unti-unti ang katawan mo," sabi ni Tatay na kinabakasan din ng pag-aalala sa kalagayan ni Inay.
"Mawawala rin ito. Kailangan lamang ay pahinga. Masyado akong napapagod sa palengke."
Dahil sa pamimilit ay sumama rin si Inay kay Tatay sa ospital.
Nang umuwi sila kinahapunan ay walang kaimik-imik si Inay. Si Tatay ay halatang-halata ang pagbagsak ng mukha.
"Anong nangyari sa check-up Inay," tanong ko.
"Wala. Babalik pa kami sa isang linggo para maeksamin muli. Ewan ko kung ano pa ang gagawin "
Hindi na ako nagtanong pa. Si Tatay ay napansin kong naging tulala at nakatingin sa malayo. Walang tigil ang hitit ng sigarilyo.
Nang sumapit ang aming graduation ay hindi na nakasama si Inay sapagkat mabigat na mabigat ang katawan. Ako ang Salutatorian. Pero walang pait sa dibdib ko kahit na si Dang lamang ang nagsabit ng medalya ko. Kaya na ng dibdib ko ang ganoong sitwasyon. Ang mas mahalaga sa akin, naipakita ko kay Tatay na hindi nasayang ang ginagastos niya. Magaan at maliwanag ko pa ring naipaabot ang mensahe sa graduating class. Pinalakpakan ako dahil sa aking speech. Pakiramdam ko, ako ang pinakamasayang nilalang sa mga oras na iyon. Mayroon kasi akong napatunayan, higit sa lahat at kay Tatay.
Pero may masaklap palang kapalit ang tagumpay ko. Kung pamimiliin, hindi na baleng wala akong karangalang nabanggit kaysa naman malaman kong may taning na pala ang buhay ng aking mahal na ina.
"Kanser sa obaryo. Malala na. Maski raw i-chemotherapy ay wala," iyon ang sabi ni Inay na sa kabila nang masaklap na balita ay matatag pa rin ang loob na nasabi iyon. Kung sa iba, baka hindi na makausap. "Siguro ito ang kapalaran ko..." sabi pa niya.
Napaiyak ako. Malapit na pala kaming iwan ng mahal kong ina. (Itutuloy)