"FRIEND, puwede ba kitang kuning partner sa JS prom namin?" ang boses ni Cris ay mahina at nakikiusap. Para bang matagal na pinag-isipan kung sasabihin iyon sa akin o hindi.
Tulala naman ako nang marinig iyon. Hindi ako makaimik. Unang pagkakataon na may isang lalaking nakiusap. Hindi ako handa sa pagdedesisyon.
Hanggang sa makita kong paparating si Dang. Hahalili sa akin. Kumain lamang si Dang at ako naman ang uuwi ng bahay para kumain. Si Inay ay natutulog sa tanghali.
"Ate Marisol, ikaw naman ang kumain," sabi ni Dang nang makalapit sa amin. Nang makita si Cris ay bahagyang nginitian.
"Hi Dang," bati ni Cris.
"Hi!"
"Umuwi ka na Ate, kanina ka pa hindi kumakain."
Sinemplehan ko si Dang sa isang sulok tungkol sa sinabi ni Cris na balak niya akong kuning partner sa JS prom.
"Huwag Ate, alam mong magagalit si Tatay. Kung iyong nakisukob ka lamang sa payong nagalit na, iyan pang ipapartner ka."
"Paano ko sasabihin? Nakakahiya."
"Ako ang magsasabi."
"Baka magtampo."
"Ano ang gusto mo, sampalin ka ni Tatay o mahiya sa pagsasabi sa lalaking iyan."
"Pero huwag mong hiyain ha?"
Hinarap ni Dang si Cris at sinabi ritong hindi ako puwedeng kuning partner sa JS prom.
"Sorry Cris, hindi puwede si Ate Marisol. Iba na lang ang kunin mong partner."
"Matagal pa namang gagawin iyon, baka sa katapusan pa ng March. First week pa lang ng February ngayon."
"Hindi nga puwede si Ate. Magagalit si Tatay!"
Napamulagat si Cris. Para bang hindi makapaniwala sa sinabi ni Dang. Hindi makapagsalita.
"Prangkahin na kita. Ako na ang magsasalita para kay Ate Marisol. Sinampal siya ni Tatay nang makita kayong magkasukob sa payong noong isang gabi."
"Dang " sabi ko at tangkang pigilan na sa pagsasalita pero hindi maawat. Nagpatuloy para hindi na magpumilit si Cris.
(Itutuloy)