ANO ang aking gagawin sa pagkakataong iyon na napaka-lakas ng buhos ng ulan?
Sumukob ako sa payong ni Cris subalit hindi ko masyadong idinikit ang katawan ko sa kanya.
"Mababasa ka Friend, dikit ka konti," sabi sa akin.
Nang ayaw kong dumikit ay inilaki ang sakop ng payong sa ulo ko. Siya naman ang nabasa. Dumikit na ako.
"Kung bakit kasi ngayon pa lumakas ang ulan ano Friend?"
"Oo nga. Kung kailan hindi ko dala ang aking payong."
"Mabuti na lang hindi ko inaalis sa bag ko itong payong na ito. Kung hindi, pareho tayong basang sisiw."
"Malayo pa ba ang sa inyo?" tanong ko pero hindi tumitingin sa mukha niya.
"Malayo pa."
"Sasakay ka pa?"
"Okey lang, Friend,"
"Maaari naman akong diyan sa may tindahan magpatila ng ulan. Baka wala kang masakyan sa pag-uwi."
"Hanggang alas dose ang dyip patungo sa amin. Dont worry Friend."
Lakad kami. Nararamdaman ko na ang pagpasok ng tubig sa aking sapatos. Sa nilalakaran namin ay unti-unti nang nagkakaroon ng tubig dahil sa biglang buhos.
"Dito tayo sa sidewalk, baka mahulog tayo sa butas," sabi ni Cris at iginiya ako patungo sa sidewalk.
Tahimik kaming lumakad.
"Anong kukunin mo sa college?" tanong niya sa akin.
"Pag hindi Nursing, e Masscom."
"Ako, Engineering."
Bahagyang tumigil ang ulan nang malapit na kami sa bahay.
"Puwede nang tumakbo sa bahay."
"Mababasa ka niyan, tutal andito na naman e."
Lakad uli. Habang palapit kami sa bahay ay nakikita ko ang anino ni Tatay sa bintana. Nakatanaw na sa amin. Iyon ang iniisip ko kanina pa. Maaaring bigyan niya ng masamang kahulugan ang pagsusukob namin sa payong ni Cris.(Itutuloy)