KAPAG pinapalo ako ni Tatay ay wala namang magawa si Inay. Kahit na sumigaw ako at umiyak nang umiyak ay hindi kumikilos si Inay para ako ipagtanggol sa malalakas na hagupit na tumatama sa puwit ko at madalas ay sa tagiliran at hita. Pero hindi ko binibigyang-pansin iyon. Siguro ngay ganoon ang paraan ng pagdidisiplina ng ama sa kanyang anak. Pero ang ipinagtataka ko, bakit ako lamang ang kanyang pinapalo at hindi si Ate Neng na nagkasala rin naman.
Pero matitiis ko ang palo ng sinturon. Masakit lang naman iyon sa unang hagupit at paglapat sa balat pero kapag tumagal na, balewala na. Mag-iwan man ng latay ay babahaw din. Ang mas masakit ay kapag may dalang pasalubong si Tatay siopao, kendi, hamburger, laruan para kay Ate Neng. Ako wala.
"Tatay meron ba ako?" tanong ko at makikiagaw ako sa paghalukay sa nasa supot.
"Akin yan!" bulyaw ni Ate Neng sa akin at aagawin ang supot.
"Tatay meron ba ako?" uulitin ko.
Hindi sasagot si Tatay. Nananatiling nakaupo. Si Inay kapag ganoon na ang sitwasyon ay pupunta sa kusina. Doon ako unti-unting magkakaroon ng awa sa sarili. Bakit laging si Ate Neng na lamang? Hindi pa rin maabot ng isipan ko ang lahat. Basta ang alam ko, awang-awa ako sa sarili.
Kapag hindi ko na matiis ang pagkaawa sa aking sarili ay papasok ako sa kuwarto at isisiksik ang sarili sa sulok at saka iiyak nang tahimik. Ganoon nang ganoon at wala naman akong marinig kay Inay. Tahimik lamang siya. Walang anumang ginagawa para mabigyan ako ng parehas na pagmamahal mula kay Tatay.
Hanggang sa isilang ang bunso kong kapatid na si Dang. Palibahasay malapit ang agwat ng edad namin, kami ang naging malapit. Si Ate Neng ay naging kontrabida sa aking buhay. Lahat ng kilos ko ay isinusumbong kay Tatay. Kahit na hindi naman ako nakagawa ng kasalanan, isinusumbong pa rin.
At kapag hindi na ako nakatiis, mag-aaway kami. Na sa dakong huli ako rin ang mali. Ako ang mumurahin at kahit na malaki na ay papaluin. (Itutuloy)