ANG "pagtakas" ni Inay sa among si Mohammed Al-Bishi at asawang si Mariam ay nakaabot sa kaalaman ni Tatay sa Pilipinas. Ang Overseas Workers and Welfare Administration (OWWA) ang nagpaabot niyon. Bago ang nakatakdang paglipad ni Inay patungong Pilipinas ay tinawagan niya si Tatay. Sa center ay may nakalaang telepono para sa mga pang-emergency na kaso. Noong una ay tuliro si Inay kung paano ang sasabihin kay Tatay. Mahirap mag-artista. Pero naroon na at hindi magiging kapani-paniwala ang kanyang "pagtakas" sa amo kung hindi niya ikukuwento ang pangyayari.
"Tumakas ako dahil ginahasa ako ng amo ko. Nagtatakbo ako hanggang sa makita ako ng mga pulis at dinala rito sa center."
"Putang-ina! Sabi mo sa sulat, mabait ang amo mong lalaki!"
Tulig si Inay sa sinabi ni Tatay. Naikuwento nga niya iyon minsan noon.
"Walanghiya pala yan! Ano, ano pang ginawa sa yo ng putang-inang iyon."
Gumana pa ang imahinasyoin ni Inay. "Nang rereypin niya uli ako, nagtatakbo na ako sa labas ng bahay."
"Gabi o araw?"
"Araw. Nagtatakbo ako sa disyerto at mabuti na lamang at may nakakita sa aking pulis. Dinala ako rito sa center."
Tang-inang buhay to. Kapag nakakita ako ng Arabo rito baka mapatay ko."
"Hirap na hirap na ako rito," sabi raw ni Inay at umiyak.
"Kailan ka uuwi?"
Sinabi ni Inay kung kailan.
"Okey naman ang lagay mo diyan?" tanong ni Tatay na bumaba ang boses.
"Okey naman. Pero masakit ang katawan ko."
Hindi sinabi ni Inay na buntis siya. Hindi niya kayang ipagtapat sa telepono. Wala siyang lakas. Bahala na kapag nagkaharap na sila ni tatay. Ang mahalaga nasabi niyang ni-rape siya. May dahilan para mabuntis. Ganoon man, ang takot ay nasa kanyang dibdib. Paano tatanggapin ni Tatay na nagkaroon ng bunga ang "pangre-rape" sa kanya ng amo.
Natuloy ang pag-uwi niya. Nang lumanding sa Ninoy Aquino International Airport ang eroplano ay walang kakibu-kibo si Inay. Kung ang ibang Pinoy na pasahero ay masaya sapagkat makikita ang kanilang mahal sa buhay, si Inay ay hindi. Sino ang matutuwa na ang dala-dala niya buhat sa pagsa-Saudi ay isang punla sa kanyang sinapupunan, na siya rin ang may kasalanan kung bakit nagkabunga. Sinalat ni Inay ang tiyan. Halata na nga sa suot niyang damit ang pamimintog ng kanyang tiyan. (Itutuloy)