KUNG maaari sana ayaw ko nang pakinggan ang mga ikukuwento ni Tatay. Hindi ko kayang tanggapin ang katotohanan na nangyari na nga ang "bangungot". Maski nasaksihan ko na ang "kataksilan" ni Inay at bayaw kong si Rocky hindi ko pa rin matanggap ang lahat. Bagay na naging pabigat sa akin. Nagdulot ng masamang epekto sa aking pagkatao. Pero naisip ko mas lalong gagaan ang aking isipan kung maririnig mismo kay Tatay ang pangyayari kung paano niya iyon natuklasan. Ano pa ba ang aking ikatatakot?
Masama umano ang pakiramdam ni Tatay ng araw na iyon. Nahihilo siya at nahihirapang huminga. Nagpaalam siya sa mayor na kanyang pinaglilingkuran sa munisipyo. Dakong alas nuwebe raw ng umaga noon.
Nang dumating siya sa bahay ay tahimik na tahimik. Kakatwa raw sapagkat noon lamang nangyari na ang gate na bakal ay may nakataling alambre sa lalagyan ng kandado. Sabi ni Tatay ginagawa lamang daw nilang talian ng alambre ang lalagyan ng kandado kapag umaalis sila ng bahay. Naisip ni Tatay na walang tao sa aming bahay. Umalis si Inay at maaaring magtagal kaya nilagyan ng tali ang gate. Alam din niyang maagang umaalis ang aking bayaw sa umaga para pumasok sa DPWH. Ang aking pamangkin ay madalas na dinadala ng bayaw kong si Rocky sa kanyang mga magulang.
Ang alambre ay madali lang namang alisin. Dudukutin lang sa maliit na butas at matatanggal na iyon. Naalis ni Tatay ang alambre at tiwalang pumasok na sa aming bakuran. Nakasusi rin ang main door. Walang problema sapagkat may susi naman siya.
Nasusian ni Tatay ang pinto at nakapanhik sa itaas nang walang kaingay-ngay. Ang talagang balak ni Tatay ay deretso na sa kanilang kuwarto para makapagpahinga. Masamang masama ang katawan niya. Papasok na raw siya sa kanilang kuwarto ni Inay nang makarinig ng ungol. Nanggaling sa kuwarto ni Rocky.
Maingat daw siyang lumapit sa pintong nakaawang para silipin kung ano ang ungol na iyon. Wala raw siyang kamalay-malay sa nagaganap.
Nang silipin niya ay nalantad ang isang kasalanan. Nalulunod ang dalawa sa kaligayahan. (Itutuloy)