Mabilis na nakababa si Rashid sa kama at paragasang lumabas sa silid. Pabalabag na isinara ang pinto. Hindi marahil malaman ang gagawin kung lalabas at pagbubuksan ang bumubusinang magulang sa labas. Narinig ko ang pagbubukas sa main door at nalaman kong ito na ang nagbukas ng gate.
Inayos ko ang aking riyya at pati na ang kama. Nalukot ang bedsheet na hinigaan ni Rashid. Saka ay napansin ko ang perang nakapatong doon. Naiwan ni Rashid ang kanyang pera! Nakatiklop pa iyon. Dinampot ko at binilang: five hundred riyals. Limang dadaanin. Nahulog sa kanyang thob sa pagmamadali. Siguroy matagal nang nahulog sa bulsa habang abala ito kanina sa pagpitas ng "papaya". Saglit kong inisip kung paano ang aking gagawin sa pera. Tiyak na hahanapin iyon ni Rashid. Paano ko ibibigay na hindi makikita ng kanyang ama at ina. Minabuti kong itago sa kahon ng aking mga damit ang pera. Sigurado namang itatanong iyon sa akin ni Rashid.
Lumabas ako sa kuwarto at nagtuloy sa kusina. Ipinagpatuloy ko ang paglilinis sa maruruming kaldero na pinaglutuan ng tupa at kabsa. Maanggo ang amoy ng mga kaldero. Hindi kaya ng aking sikmura. Si Mrs. Mayman ang nagluluto niyon.
Nagtaka naman ako nang mga sumunod na araw na hindi itinatanong ni Rashid ang kanyang pera. Nakalimutan na yata. Siguroy sa karamihan ng kanyang pera ay hindi maalalang may nahulog o nawala roon.
(Itutuloy)