Nakita ko agad si Mr. Mayman, sa arrival area na may hawak na puting cardboard at nakasulat ang aking pangalan. Nakahinga ako ng maluwag sapagkat sa totoo lang sa eroplano pa lamang ay iniisip ko na kung paano ako makikilala ng aking magiging amo. Kahit na mahigpit ang bilin sa akin ng ahensiya na huwag daw akong aalis sa airport hanggat hindi dumarating ang sundo ay hindi rin maiwasang hindi ako kabahan. Iyon ay kahit na malakas ang aking loob at matapang ang hiya. Inii- sip kong baka hindi ako sunduin ng aking amo. Saan ako matutulog kung sakali.
Napawi nga ang pag-aalala nang makita ko si Mr. Mayman at nakangiti ito ng makita ako. Para bang kilala na rin niya ako.
"Nelia, kahmustah?" tanong sa akin na labis kong ikinabigla sapagkat marunong din palang mag-tagalog. Balbas-sarado si Mr. Mayman at guwapo. Matangos ang ilong.
"Mabuti," sabi ko.
Kinambatan akong sumunod sa kanya. Mula sa nilabasan kong arrival area ay naglakad kami patungo sa parking area. Nag-iisa pala si Mr. Mayman. Pinaupo ako sa gitnang upuan. Ganoon daw ang mga Saudi, laging naka-distansiya sa mga babae. Sabi sa agency na nagpaalis sa akin, bawal daw makipaglapit ang lalaki sa babae lalo kung walang relasyon. Mahigpit na ipinagbabawal.
Nakarating kami sa bahay pagkaraan ng 30 minutes. Malalim na ang gabi kaya dinala muna ako sa isang kuwarto at sinabihan ni Mr. Mayman na bukas na ng umaga ipakikilala sa kanyang asawa. Natutulog na raw kasi.
Bago umalis si Mr. Mayman ay nakita kong sumulyap siya sa aking mayamang dibdib. (Itutuloy)