INAASAHAN kong ako ang pagbubuntunan ni Ellie ng galit at aawayin dahil sa pagkakasagutan nila ni Aziza.
Subalit nagkamali ako. Hindi ako inaway ni Ellie. Wala akong narinig na paninisi sa kanya. Ang nakita ko sa kanyang mukha ay takot bunga ng pagbabangayan nila ni Aziza. Napag-isip-isip ni Ellie ang ginawang pagkumpronta kay Aziza kung bakit nasa kuwarto ko ang aming amo. Isang malaking insulto na tanungin ang amo kung ano ang ginagawa sa aking kuwarto. At alam ni Aziza, kapag nagalit ang Araba ay mas mabagsik pa sa leon. Siya mismo ang nagsabi sa akin na mababait ang Araba subalit kapag nagalit ay mabagsik lalo pa kung nasasaktan ang pride.
"Baka isumbong na nga ako kay Sir Al-Ghamdi," sabi ni Ellie na nakalarawan pa rin sa mukha ang pangamba.
Lumakad ako sa may pinto at sinilip kung patay na ang ilaw sa kuwarto ni Aziza sa kabilang bahay. Patay na. Natutulog na marahil si Aziza.
"Hindi ko napigilan ang sarili kanina nang makitang nakahiga sa kama mo. Akala ko kasi "nag-aano" na kayo."
"Hindi ka kasi nag-iisip muna bago umaksiyon. Malamang nga e isumbong ka na ni Aziza. Kanina e nakita kong namumula sa galit."
Umupo sa kama si Ellie. Ako ay nanatili sa pinto. Nag-iisip si Ellie kung ano ang gagawin.
"Sabagay, baka naman nananakot lang," sabi ko. "Di ba nang nakawin ang bold tape mo noon e hindi ka naman isinumbong."
Napatingin sa akin si Ellie. Pinag-isipan ang aking sinabi. Kung gusto na siyang ipahamak ni Aziza e noon pa. At ilang taon na ang nakalilipas mula nang mangyari iyon. Matagal na rin. Ngayon na lamang uli nangyari na nagkaroon sila ng pagtatalo.
"Kung sakali at isumbong ako ni Aziza at palayasin sa bahay na ito, anong gagawin ko?" tanong ni Ellie.
"Bakit yun ang iisipin mo?"
"Hindi natin kabisado ang ugali ng mga Saudi. Mabait si Sir pero madali silang maniwala kapag may nagsusumbong. Hindi na sila naghihintay ng paliwanag pa."
"Kung pinaaalis ka na e di umalis," sabi ko.
"Kung pinaaalis na ako sasama ka sa akin?"
Hindi ako nakaimik. (Itutuloy)