LALO pa kaming nag-ingat ni Ellie nang may mag-partner na nahuli ng mga motawa na peke ang ipinakitang marriage certificate. Ang mag-partner umano ay sinita lamang ng motawa sa labas ng isang palengke. Nataranta umano ang mag-partner at tangkang iwasan ang motawa kaya nagkaroon ng hinala. Hinanapan ng certificate at iqama. Dinala sa isang presinto at doon ay nadiskubre na peke ang marriage certificate. Mula noon, naging mainit na ang mga motawa sa mga mag-asawang Pinoy. Nagkaroon ng hinala.
Ganoon man, patuloy din kami ni Ellie sa paglabas kung Biyernes. Tumitiyempo na hindi aktibo ang mga motawa sa mga matataong lugar. Kahit na may nahuli nang mag-asawang nagmamantine ng "motel" ay marami pa rin ang nag-operate. Malakas kasing pagkakakitaan lalo na nang matapos ang Gulf war at nagbalikan sa Saudi ang mga lumikas na Pinoy. Napuna kong dumagsa ang mga overseas Filipino worker sa Saudi noong huling bahagi ng 1991. Kapuna-puna iyon kapag nasa Al-Shoula shopping center kami. Kapag Biyernes ay halos wala nang mapuwestuhan o maupuan sa gilid ng Al-Shoula. Okupado na iyon ng mga Pinoy na nagkukuwentuhan.
Ang pagiging mainit ng mga motawa ay naging problema namin ni Ellie. Kapag nasa loob na kami ng "motel" at nagsasalo sa bawal ay nagkakaroon kami ng pangamba na baka dumaluhong ang mga motawa at mahuli kami sa akto.
"Kapag nahuli tayo anong mangyayari sa atin?" tanong ni Ellie kahit na alam na naman niya na makukulong kami kapag napatunayang hindi naman talaga kami mag-asawa.
"Katapusan natin. Mabubulok tayo sa kulungan."
"Mas safe talaga sa kuwarto natin," sabi pa at naghimutok na naman. "Kung bakit si Aziza ay parang binabantayan tayo. Kapag nakikita kang nasa kuwarto mo e pupunta."
"Nakikipagbiruan kasi sa akin. Nasanay na."
"Nung andito pa ang dati mong siyota, madalas na rin si Aziza sa kuwarto mo?"
"Oo. Maliit pa ay malapit na sa akin yon."
"Bakit naging malapit?" May pagtataka sa tinig ni Ellie.
"Ewan ko."
"Malakas kasi ang appeal mo."
"Hindi."
"Mamaya niyan, ma-develop sa iyo si Aziza at kung saan na mapunta."
"Nagseselos ka na naman?"
Hindi umimik. Yumakap lamang sa akin. (Itutuloy)s