ALAGANG-ALAGA ako ni Ellie. Higit pa sa pag-aalagang idinulot ni Tet noon. Masarap magmahal si Ellie na bagamat hindi niya magawang masabi na mahal nga niya ako ay ipinakikita naman sa pag-aasikaso at pagpapaligaya sa akin. Sa akin ay sapat na sapat na iyon. Mas mahalaga sa akin na ipinakikita ang pagmamahal sa gawa kaysa sa salita.
Higit pa sa mag-asawa ang aming turingan ni Ellie kapag nagsosolo na kami sa kuwarto. Nang tumagal ay sa kuwarto na siya natutulog at dakong alas kuwatro ng umaga ay saka lamang lilipat sa kabilang bahay. Mahaba-haba ring oras ang aming pagniniig.
Sa kabila na nahuhulog ang kalooban ko kay Ellie, hindi ko naman nalilimutan ang aking asawa at isang anak sa Pilipinas. Buong-buo kong ipinadadala ang aking suweldo. Madalas din akong sumulat (apat na beses isang buwan). Ang pagtawag nga lamang sa telepono ang hindi ko magawa nang madalas sapagkat wala kaming telepono. Nakikitawag pa sa aming kapitbahay.
Kung minsan, nakokonsensiya ako lalo na kapag nagbibiro ang aking asawa sa sulat na baka raw tumitikim ako ng ibang "karne". Baka nalilimutan ko ang aking pangako. Dinaan ko rin sa biro ang sagot, hindi ako tumitikim ng ibang "karne", sapagkat natatakot akong maputulan ng et-et sa Saudi. Pero ang totoo, tinatablan ako sa biro ni Misis. Buo kasi ang akala na nagbago na ako at hindi na babaero. Sa kabilang banda hindi ko rin masisi ang sarili sapagkat ako ang nilalapitan ng babae. Si Tet ang nagpakita ng motibo at ngayon ngay si Ellie ang nagkusang nagpunta sa kuwarto ko. Paano ko pa matatanggihan ang palay na isinusubo na?
Minsan, malalim na ang gabi ay nagkukuwentuhan pa kami ni Ellie. Aywan ko kung nagbibiro siya nang magtanong sa akin. "Magpakasal kaya tayo rito, Ren." (Itutuloy)