Nakadarama na ako ng kahomsikan lalo na kapag sumasapit ang tag-init sa Saudi Arabia. Mas gusto ko pa ang tag-lamig sapagkat mas kumportable ako. Mas matibay ako sa lamig kaysa init. Kahit na nga tag-lamig dito, nakukuha ko pang maglakad sa umaga bilang ehersisyo.Pakiramdam koy maginhawa ang pakiramdam ko. Ang tag-lamig ay sumasapit kung buwan ng Nobyembre at magtatapos ng Abril.
Kung tag-init, punumpuno ako ng tensiyon sapagkat nagdudugo ang aking ilong at hindi ako gaanong makagawa. Ibang klase ang init dito lalo na kung Hunyo o Hulyo na para bang ang lahat ng init ng disyerto ay ibinubuga sa siyudad at isasampal sa mukha. Hindi ko kaya. Kaya nga ba kung minsan ay gusto kong magreklamo kay Sir Al-Ghamdi kapag lumalabas kami ng bahay kung dakong ala-una ng hapon. Sobra ang init na parang nakaharap sa siga. Ang matindi, sa kabila ng madaramang init ay hindi ka naman papawisan.
Kaya kapag buong araw ng Biyernes (kapag walang pupuntahan si Sir) ay nagkukulong ako sa kuwarto kung panahon ng tag-init. Sa totoo lamang, marami na rin akong nabiling gamit sa loob ng maikling panahon na ipinaglilingkod ko kay Sir. Nakabili na ako ng dalawang TV sets (isa ay ipinadala ko na sa Pinas) samantalang ang isa ay ginagamit ko sa kuwarto. Nakabili na rin ako ng VHS player, component at iba pa. Marami akong VHS tapes. Pawang mga pelikulang Pilipino na binili ko sa isa ring OFW na iyon ang sideline. Marami rin akong mga tapes ng awitin. Kapag nagkukulong ako sa kuwarto, nanonood ako nang nanonood para lumipas ang oras at malimutan ang grabeng init sa labas.
Isang hindi ko nakagawian sa Saudi ay ang humanap ng mga kababayan para makipagkilala at makipagkaibigan. Mas gusto ko pa ang nag-iisa. Para sa akin kasi, mas malamang ang trouble kapag naghanap pa ng kababayan sa Saudi. Hindi rin naman kasi nakasisiguro na ang makikilalang kababayan ay maganda ang rekord. Sa Saudi Arabia, sa aking karanasan, narito ang mga Pinoy na ibat iba ang ugali. May magnanakaw, nagpapahamak sa kapwa, may gumon sa droga at sugal at kung anu-ano pa. Takot akong masangkot sa gulo kaya minabuti kong mapag-isa. Mas safe ako kung mananatili sa aking kuwarto at tinutupad nang maayos ang aking tungkulin bilang driver. Ayaw kong makagawa ng pagkakamali, iyon nga lamang nagkaroon na ako ng relasyon sa maid na si Tet. Ikinatuwa ko na rin, na mabuti at hindi na siya bumalik. (Itutuloy)