'Pinaglaruan kami ng mga duwende' (Ika-22 Labas)

Si Briana ay tinedyer na duwende. Kasing edad umano ni Gina. Ayon kay Magno, Ito raw ang tuwang-tuwa at gustong makipagkaibigan kay Gina.

"Si Aryana kilala mo?" Tanong muli ni Jane kay Magno.

"Siya ang aming prinsesa."

"Bukod sa’yo, sino pa ang ibang mga kasama mo."

Nang sumagot si Magno ay tila yamot na ang tinig. Tila nakukulitan na.

"Sina Haring Maruwat at si Digna."

"Sino pa?"

"Wala na!"

"Lima lang kayo? Ikaw, si Prinsesa Aryana, Haring Maruwat, Briana at Digna."

"Oo."

"Si Diego?"

"Kapre ‘yon. Di ko kilala ‘yon! Meron ka pa bang gustong malaman?"

"Wala na. Hinihiling ko sana na payagan n’yo nang makapasok si Gina sa school. Halos isang buwan na siyang hindi pumapasok."

Matagal ang sagot. Tila nag-isip pa si Magno.

"Sige makapapasok na siya," sabi.

Doon natapos ang pakikipag-usap ng psychic na si Jane sa duwendeng si Magno.

Subalit wala ring nangyari sa pakiusap kay Magno. Patuloy ang pagkawala ng mga gamit ni Gina. Marami pang uniporme ang nawala. Nagkakasakit pa rin si Gina. May paniwala akong hindi kontrolado ni Magno ang sitwasyon. Hindi niya kaya at may mas malakas kaysa sa kanya. Sa palagay ko ay mas nakapangyayari ang kapatid niyang si Briana. Si Briana sa palagay ko ang may kagagawan ng pagkawala ng mga gamit na dahilan para hindi makapasok sa school si Gina.

Dahil na rin sa mga pangyayaring ito kaya nagsagawa ako ng pananaliksik sa mga elementals. Nag-research ako tungkol sa mga duwende. Binasa ko ang libro ni Paracelsus. Si Paracelsus ang nagsagawa ng pag-aaral sa mga uri ng duwende. Apat na uri pala ang mga duwende ayon sa libro. Earth spirit, water spirit, fire spirit at air spirit. Ang mga duwendeng naglalaro sa amin ay kabilang sa earth spirit. (Itutuloy)

Show comments