Mapait na asukal (Ang pagwawakas)

Binyag ng kambal nina Jay at Lara. Maraming ninong at ninang ang kambal. Dagsa ang mga bisitang dumalo. Naroon ang daddy at kapatid na lalaki ni Lara at tuwang-tuwa sa kambal. Pinagkakaguluhan.

Saka napansin ni Lara na may dumating na bisita na nagbigay ng pagkalito kay Jay. Nasundan ni Lara ng tingin si Jay nang humiwalay at sinalubong ang bagong dating na bisita. Nagulat si Jay nang makita ang dumating – si Bong ang "matalik" na kaibigan na nagkaroon ng bahagi sa buhay nito. Inamin na noon ni Jay na nagkaroon sila ng relasyon ni Bong. Alam na rin ni Lara na isang silahis si Bong. Lumapit ang dalawa kay Lara. Nakangiti si Bong. Iniabot nito ang kamay kay Lara. Nagkamayan sila.

"Mabuti at nakarating ka rito," sabi niya kay Bong.

"May nakapagbalita sa akin. Actually kababalik lang namin galing sa Canada. Narito kami for vacation," seryoso ang boses ni Bong.

Iniwan sila ni Jay. Patuloy na nagkuwento si Bong nang mga nangyari sa kanyang buhay. Sinuwerte raw siya sa Canada. Nahalata ni Lara na parang iniwasan nitong mabanggit ang nakaraan nila ni Jay. Sabagay tanggap na iyon ni Lara.

"Ang cute ng kambal n’yo nakakatuwa," sabi ni Bong na para bang gusto lamang ibahin ang usapan.

Nagulat si Lara nang lumapit si Jay kasama ang isang magandang babae na akay-akay ang babaing anak na may dalawang taong gulang marahil. Nakangiti ang babae.

"Misis ko," si Bong na ang nagpakilala sa babaing kasama ni Jay. "Ito naman ang anak namin."

Beso-beso sina Lara at misis ni Bong. Naisip ni Lara, siguro’y hindi nagkaiba ang kapalaran nila ng asawa ni Bong. Lumasap din ito ng pait sa tinikmang asukal. Ngayo’y nagkaroon na ng pagbabago sa kanilang buhay. Nagbago na rin siguro si Bong at iniwasan na ang mga maruming relasyon. Nakikita ni Lara sa kaanyuan ni Bong at asawa nito ang kaligayahan. Sarado na ang aklat sa mga madidilim na pahina. Natapos ang kuwento at nanatili silang magkakaibigan.

Ngayo’y maligaya ang buhay nina Jay at Lara. Nagkaroon pa sila ng isang anak at gusto pa ni Jay na dagdagan iyon. Walang mairereklamo si Lara sa buhay sapagkat mabait, maunawain at marunong tumupad sa pangako si Jay. Hindi ikinahihiya ni Lara na isang silahis ang kanyang asawa.
* * *
(Basahin bukas ang pagtatapat ng isang gurong pinaglaruan ng mga duwende)

Show comments