"Delikadong mag-drive ang ikakasal sapagkat malapit sa disgrasya," sabi ni Bong.
Wala na siyang masabi pa. Pero naaasar siya sapagkat hindi sila makapag-usap nang masinsinan ni Jay. Wala siyang mailihim at siyempre ay nasa hulihan siya ng kotse nakaupo. Si Jay ay katabi ni Bong sa unahan.
Gulat na gulat ang mga kaibigan ni Jay nang malamang ikakasal na ito. Hindi makapaniwala. Sa mga mata ay naroon ang pagtataka sa hindi inaasahang balita.
"He must be serious," sabi ng isang kaibigang babae kay Lara. "Alam mo bang maraming naging girlfriend si Jay?"
"Tatlo," sagot ni Lara.
"Hindi lang yata tatlo,"
Kung totoo man iyon ay hindi na-shock si Lara. E ano ba?
"Mabuti naman at matatahimik na si Jay," sabi pa at kinurot siya sa tagiliran.
Ang huling bahay na pinuntahan nila ay sa kaibigang si Ramir at dito ay may napunang kakaiba si Lara. Nasa may pintuan pa lamang ay nanunuri na ang tingin ni Ramir kay Bong. At mas lalo pa siyang nagulat nang sabihin ni Ramir kay Jay "Nandito ka na naman!" Aywan niya kung biro iyon.
Si Bong ay nakangiti lamang.
Hindi rin makapaniwala si Ramir na ikakasal na si Jay at si Lara.
"Bakit ngayon mo lang sinabi?" Tanong kay Jay.
"Lagi kang wala rito. Tawag ako nang tawag out of the country ka raw. Last time na tumawag ako e nasa Paris ka raw."
Napatangu-tango naman si Ramir at pagkaraay napabuntunghininga. Napatingin kay Jay at pagkatapos ay kay Lara.
"Mabuti ka pa at magkakaasawa na. Sana ako rin," sabi nito.
Wala pa palang asawa. Napatingin ito pagkaraan kay Bong at pagkaraay ibinalik ang tingin sa kanya. Tingin na parang hinuhubaran siya. Bakit ganito ang lalaking ito, naiisip ni Lara. (Itutuloy)