Sinabi niya kay Jay ang naiisip na balak. Gusto niya ay walang inililihim kay Jay para maging maayos ang takbo ng kanilang pagsasama.
"Good idea," sabi ni Jay makaraang sabihin niya rito ang mga pinangangambahan ng kanyang daddy. "Masyado ngang pintasera ang mommy ko. Baka magkaroon lamang ng di-magandang dating sa daddy mo."
"So, paano ang gagawin natin?"
"Sa ibang place na lang natin gawin ang pamanhikan."
"Saang lugar sa palagay mo?" Tanong ni Lara na ang boses ay nasisiyahan sapagkat nauunawaan nito ang kalagayan.
"Mayroon akong alam sa Intramuros na magandang lugar para sa pribadong pag-uusap. One time na akong naka-attend ng meeting doon at okey ang function room. Doon na lang."
Ganap na nawala ang pangamba ni Lara. Solved ang problema niya. Maunawain naman pala si Jay at madaling maintindihan ang kanyang damdamin. Hindi nga siya nagkamali kay Jay.
Dumating ang pamanhikan. Excited si Lara. Kasama sa pamanhikan ang kanyang dalawang auntie (kapatid ng mommy niya). Sumama rin ang kanyang kuya dahil sa pakiusap niya. Sa isang tahimik na lugar nga sa Intramuros ginawa. Bagay sa lugar ang pag-uusap sa kanilang kasal.
Naratnan na nila sina Jay doon. At kapuna-puna na agad ang matigas na leeg ng mommy ni Jay. Para bang ayaw silang tingnan. Naramdaman niyang alumpihit ang kanyang daddy sa kinauupuan. (Itutuloy)