Sa pagkakatanda koy anim na buwan din ang nakalipas bago nalaglag ang kanyang "oo". Korning tagpo subalit talo pa namin ang mga tinedyer sa mga sandaling kamiy nagliligawan. Binat na Pinoy sa isang dala nang Pinay.
"Paano ang magiging kalagayan natin, Felino? Hindi tayo maaaring magpakasal dahil buhay pa ang mga asawa natin."
"Iyan nga iniisip ko. Tayong dalawa ang sumalo ng bigat ng mga kasalanang ginawa ng mga walanghiya nating asawa."
"Baka hindi ako makaharap sa aking mga kapatid kapag nalamang meron pala akong boyfriend dito sa Saudi. Di ba nakakahiya yon?"
"Siguro naman, may malawak na pang-unawa ang mga kapatid mo. Hindi naman siguro nila gugustuhing mapag-isa ka habambuhay. Hindi naman ikaw ang may kasalanan kung bakit nangyari ito di ba?"
"Pero kasalanan din sa Diyos."
"Siguro naman mauunawaan tayo ng Diyos."
Isang taon pa ang lumipas. Isang araw na bumisita ako sa tirahan ni Carmen ay tuwang-tuwa itong may ibinalita sa akin. Naaprubahan na ang kanyang aplikasyon patungong Canada. Nabanggit na niya sa akin iyon subalit hindi ko akalain na magkakaroon iyon ng katuparan. Kahit hindi ko ipinahalata ang lungkot ay napansin din iyon ni Carmen. Sadyang kilala na niya ang aking ugali sa maikling panahon ng pagsasama.
"Madali lamang mag-apply patungo roon. Kabisado ko na ang mga gagawin. Ituturo ko sa iyo para makapag-apply ka rin."
"Puwede ba ako roon e wala akong pinag-aralan."
"Puwede."
Anim na buwan pa ang nakalipas at nakaalis si Carmen patungong Ontario, Canada.
(Tatapusin)