"Wala bang nakakita sa inyong motawa?" Tanong ni Carmen.
"Wala."
"Noong isang linggo e tatlong motawa ang umakyat sa building diyan sa kabila. May mga Pinoy daw na nag-iinuman at nagkakantahan."
"Sigurado kaming wala," sabad naman ni Elmer.
Dalawa ang kasama ni Carmen sa kuwarto. Ang totooy hindi kuwartong maituturing ang tirahan nina Carmen. Malaki iyon na may tatlo pang kuwarto sa loob at may sariling kusina at maliit na tanggapan ng bisita. "Matagal na rin ako rito. Iyang dalawa kong kasamang babae e mga nurse rin."
Nagluto ng pagkain si Carmen at doon kami naghapunan.
"Kakahiya naman. Sa halip na nagpapahinga ka e inaasikaso mo kami," sabi ko kay Carmen nang kumakain na kami.
"Okey lang."
Sumunod na Biyernes ay ako na lamang ang nagpunta sa tirahan ni Carmen. Inihatid lamang ako ng kotse ni Elmer. Sabi ni Elmer ay para magkaroon daw ako ng pagkakataon kay Carmen. Bagay daw kami. Hind nagkakahuli sa edad. Baka si Carmen daw ang talagang palad ko. Naramdaman kong masaya ako kapag kausap si Carmen. Kung maaari nga lamang ay ayaw ko nang matapos ang gabi kapag dumadalaw sa kanya. Walang katapusan ang aming pagkukuwentuhan. Paulit-ulit ang paghalukay namin sa nakaraan. Nagbibigay ng payo sa isat isa. Hanggang sa mabuhay ang pag-asa na tila nooy patay na dahil sa mga sugat na aming dinanas. Namalayan na lamang namin ni Carmen na umibiig kami sa isat isa. Walang daya at pagkukunwari. (Itutuloy)