HINDI ko binigyang pansin ang tila pag-iwas ni Lolo Fernando sa tanong ko kung saan siya natuto sa paggawa ng magandang parol. Naitanong ko iyon dahil hangang-hanga ako sa kanya sa pag-iisip ng desenyo ng parol at sa bilis sa paggawa nito. Para bang balewala sa kanya ang paggawa ng parol.
Mula first year high school ay si Lolo Fernando na ang gumagawa ng parol na isinasali ko sa taunang parol making contest. Unang linggo pa lamang ng Nobyembre ay inihahanda na ni Lolo ang mga gamit sa parol. Nagkayas na ng kawayan si Lolo at ipinoporma na ang parol.
Nakikita ko na nagdodrowing sa coupon bond si Lolo. Iba’t ibang design ang ginagawa niya.
Pagkatapos mai-design ang mga parol ay papipiliin niya ako. Kapag nakapili na ako ay bubuuin na niya ang parol.
Siyempre tumutulong ako sa kanya. Ako ang nag-aabot ng mga makukulay na papel de japon na ibabalot sa parol.
“Ikaw na naman ang panalo, Apo ko!’’
“Oo nga Lolo. Napakagaling mo kasi.”
Sa kabila niyon, nagtataka pa rin ako kaya gusto kong matuklasan kung paano naging mahusay si Lolo sa paggawa ng parol.
Misteryo sa akin sapagkat matagal din na nawala si Lolo. Hindi ko alam kung saan siya naglagi sa panahong iyon.
(Itutuloy)