Barbecue grill company sa U.S., nakapagtala ng World Record dahil sa chicken wings!

Sa Lawrenceville, Georgia, isang world record ang naitala nang magluto ang kompanyang gumagawa ng barbecue grill ng 655 pounds at 12.8 ounce ng chicken wings bilang bahagi ng kanilang 50th anniversary.

Ginunita ng kompanyang Big Green Egg ang kanilang milestone sa taunang Eggtoberfest, isang grill expo na nagtipon ng mga dalubhasang barbecue chef upang magluto ng chicken wings gamit ang 47 extra-large kamado-style grills na gawa ng kompanya.

Ang chicken wings, na nilagyan ng Ed’s Famous Wing Sauce ay opisyal na tinimbang ng mga kinatawan ng Georgia Department of Agriculture. Sa bigat nito, matagumpay na naitala ang Guinness World Record para sa titulong “Biggest Serving of Chicken Wings”.

Hindi lang natapos sa pagluluto ang selebrasyon—ang mga manok ay pinagsalu-saluhan ng mga dumalo sa festival, habang ang natira ay ibinigay sa mga local charity groups na nagpapakain ng mga kapuspalad.

Show comments