Ako ang laging nananalo sa parol making contest sa aming school. Nasa fourth year high school ako noon. Halos taun-taon—mula first year—ay ako ang nananalo. May premyong cash ang best parol. Hindi naman kalakihan ang premyong cash pero para sa akin napakalaki na iyon. Hindi naman mahalaga sa akin ang premyo kundi ang karangalan na manalo ako sa contest.
Naging usap-usapan ako sa school. Napakahusay ko raw gumawa ng parol. Paano ko raw naiisip ang ganun? Mahirap daw ang maglagay ng dekorasyon sa parol.
Lingid sa aking mga classmates at teachers, ang nasa likod ng aking magandang parol ay si Lolo Fernando—ama ng aking ina.
Si Lolo Fernando ang nag-iisip ng desenyo ng parol at magkatulong kami sa paglalagay ng papel de japon sa kabuuan ng parol. Sanay na sanay si Lolo na para bang balewala lamang ang paggawa.
Pagsapit ng Nobyembre ay nagbibiyak na si Lolo Fernando ng kawayan na gagamitin namin sa parol. Nililinis na niya ang mga iyon para ikakabit na lamang.
“’Lo, saan ka natutong gumawa ng parol?’’ tanong ko minsan habang pinagmamasdan siya sa pagkakayas ng kawayan.
“Ha? A e… sa mga magulang ko—marunong silang gumawa ng parol!’’
Nagtaka ako kung bakit nagulat si Lolo sa tanong ko. Parang umiiwas siya.
(Itutuloy)