EDITORYAL - Patuloy na pagpaslang sa mga mamamahayag

TOTOO nga ang report na ang Pilipinas ay isa sa mga bansang pinaka-mapanganib para sa mga mamamahayag. Isang linggo na ang nakalilipas mula nang barilin at mapatay si Richard Najid, 35, manager ng FM station Power Mix dxNN sa Bongao, Tawi-Tawi. At magpahanggang ngayon, wala pang naaaresto ang Philippine National Police (PNP) para panagutin sa krimen. Isa na namang kaso ng pagpatay na mapapabilang sa mga hindi nalutas.

Pauwi na umano si Najid mula sa paglalaro ng basketball nang sundan ng mga lalaki at pagbabarilin. Ayon sa pulisya, tinitingnan nila kung ang pagpatay kay Najid ay may kinalaman sa kanyang trabaho. Bukod sa pagiging manager ng FM station, nagrereport din umano ng mga nangyayari sa probinsiya si Najid. Ayon sa mga kaibigan ni Najid, wala silang alam na kaaway ito kaya nagtataka sila kung bakit ito pinatay. Hanggang ngayon, wala pang lead ang pulisya kung sino ang nasa likod ng pagpatay sa mamamahayag.

Ayon sa National Union of Journalists in the Phi­lippines (NUJP), si Najid ang ika-26 na mamamaha­yag na pinatay sa ilalim ng Aquino administration. Ayon sa NUJP, walang kakayahan ang PNP na malutas ang mga pagpatay sa mamamahayag. Sabi naman ng Malacañang, kinukondena nila ang pangyayari at inatasan na nila ang PNP na imbestigahan ito. Ayon kay Presidential Communications Operations Office Secretary Herminio Coloma, gagawin ng PNP ang lahat nang paraan upang mapanagot ang mga pumatay sa mamahayag.

Tuwing may napapaslang na mamamahayag, iisa ang sinasabi ng Malacañang, “iimbestigahan at pananagutin” ang mga may kagagawan. Laging ganito pero hanggang ngayon wala pang nalulutas sa mga pagpaslang. Halimbawa ay ang pinatay na broadcaster/environmentalist Gerry Ortega ng Palawan. Hindi pa ito nalulutas sapagkat ang mga “utak” ay nakaalis na umano ng bansa. Kamakailan lang, isang babaing tabloid reporter ang pinatay sa Cavite at hanggang ngayon wala pang linaw ang kaso. Ang “utak’’ umano sa pagpatay ay isang pulis.

Maging tapat sana ang pamahalaan sa pangakong poprotektahan ang mamamahayag. Pakilusin naman sana ang PNP para mapanagot ang mga mamamatay-tao. Itigil na ang pagpatay sa mga mamamahayag!

Show comments