MARAMING walang trabaho sa bansa. Taun-taon, sabay ng pagtatapos ng mga mag-aaral, tumataas din ang estatistika ng mga walang trabaho. Kaya naman marami sa ating kababayan ang umaalis na lang ng Pilipinas at magtrabaho sa ibang bansa sa paniwalang ito ang mag-aahon sa kanila sa kahirapan.
Subalit, ang kanilang pangarap na makapagtrabaho sa ibang bansa, kadalasan, nahuhulog sa BITAG ng panloloko at pananamantala ng mga dorobong recruitment agency.
Si Jerry, isa sa mga biktima ng dorobong recruitment agency sa Maynila.
Ayon sa kanya, malaking sahod at magandang trabaho ang alok sa kanya ng kompanya at sa halagang P50,000 na processing fee, mabilis daw na makaaalis ang aplikante.
Sa pag-aakalang ang oportunidad na makapag-trabaho sa Canada ang sagot sa kahirapan ng pamilya, agad niyang ibinenta ang kanilang palayan, kalabaw at ilang ari-arian para makabayad ng P50,000.
Pero, matapos ang mahigit dalawang taong pagpa-follow up at paghihintay, hindi pa rin nakakaalis si Jerry.
Kamakailan, nang muli siyang mag-follow up, tinangka pa umano siyang muling hingan ng mga ahente ng P5,000 na karagdagan para lalo pa raw mapabilis ang kanyang pag-alis. Dito na nagduda at humingi ng tulong sa BITAG si Jerry.
Sa pag-iimbestiga ng BITAG, nabatid na rehistrado sa Philippine Overseas Employment Administration ang Inter-Globe Manpower and Consultancy Services Inc., subalit hindi pa ayos ang papeles ng kompanya mula nang ibenta ito ng dating may-ari.
Ibig sabihin, wala pang karapatang mag-recruit at tumanggap ng anumang transaksyon ang kasalukuyang nagmamay-ari ng recruitment agency, gamit ang naÂbiling pangalan ng kumpanya.
Tandaan, all year round ang modus ng mga illegal recruiter sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Kaya naman, paulit-ulit na paalala sa mga kababayan nating nangangarap magtrabaho sa ibang bansa, maging mapanuri at huwag basta-basta magpapadala sa mga matatamis na pangako, dahil ang mga dorobo, nagkalat.