Lampong(191)

MASKI ang pag-inom ng beer ay iniwasan na rin ni Dick. Mas gusto pa niyang ubusin ang oras sa pagtatrabaho. At naliligayahan siya sa ganoong buhay na walang kalampungan.

Minsan niyaya siya ng kanyang tauhan sa Art Department na uminom sila. May maganda raw inuman sa Makati Avenue. Bukod sa masarap ang pulutan ay mura pa ang beer at pawang OPM ang pinatutugtog.

“Kahit tigalawang tebots tayo Sir Dick. Matagal na tayong hindi nagkakasama ah,” sabi ni Roy.

“Saka na lang Pards. Marami pa akong tatapusin.’’
“Palagi ka na lang subsob, Sir Dick. Mag-relaks ka naman.’’

“Hayaan mo at isang araw e ikaw ang yayayain ko.’’
“Sige ha. Hihintayin ko yun, Sir Dick.’’

Umalis na si Roy. Ipinagpatuloy ni Dick ang pagtatrabaho.

Mga pasado alas nuwebe na ng gabi siya uuwi.

Pagdating sa condo ay manonood sandali siya ng news at saka matutulog na. Kinabukasan ay maagang gigising at saka papasok sa opisina. Ganun araw-araw ang routine niya at maligaya siya. Malaki ang pagkakaiba ng buhay niya noon na pawang nakasentro sa pakikipaglampungan.

Minsan isang araw ng Linggo na nagpapahinga siya ay tumawag ang kanyang kuya. Nangungumusta.

“O kumusta ka na Dickinson? Hindi na kita tinawag na Lampong ha. Sabi mo kasi noong huli ta-yong mag-usap e pahinga ka muna sa pakikipaglampungan. Natupad ba?”

“Oo Kuya. Pagkatapos kong hanapin ang mga dati kong nakalampungan at pawang mga may pamilya na pala e nagpasya na akong magpahinga na sa pakiki-paglampungan.’’

“Good. Yung si Sarah, nakita mo rin?”

“Oo. Dalawa na ang anak niya. Mga cute. Sana ako ang ama ng mga batang yun. Inggit nga ako, Kuya.’’

“Nagsisisi ka ano. Di ba sinabihan na kita noon.’’

“Oo nga Kuya. Sayang at hindi ako nakinig sa’yo.’’

“So anong ginagawa mo ngayon?”

“Trabaho lang nang trabaho, Kuya. Masaya naman ako.”

“Talagang wala munang chicks?”

“Wala Kuya. Saka na lang. Parang tinabangan na ako sa pakikipagrelasyon.’’

“Baka naman nababakla ka na, Dickinson.’’

“Okey lang Kuya.’’

(Itutuloy)

Show comments