‘Ang karibal na walang panty’

KINATOK niya ang pinto… nilabas siya ng babaeng naka-manipis na ‘nighties’ na gawa sa telang ‘silk’. “Tuloy ka… teka ah, magpa-panty lang ako…” anya umano nito. Ang babaeng kumatok ay si Teresa Trimor o “Tes”, 42 taong gulang ng Cabuyao, Laguna. Sa pustura ni Tes at ng naka-nighties na si “Remy”, kung pagkukumparahin daw, malayo talaga ang pagkakaiba. Makinis si Remy, unat ang buhok…dalagang kumilos. Kabaligtaran ni Tes, gupit pang lalake, halos wala ng panahong mag-ayos. Pito ang anak ni Tes sa asawang si Gilbert Trimor alyas ‘Ato’. Kakaiba ang simula ng kwento ng mag-asawang Trimor. Nagkakilala sila sa isang Brotherhood Society nung kolehiyo. Sa Beta Sigma Epsilon. Pareho silang ‘engineering students’. Third Year nun si Tes sa kursong Industrial Engineering. Fifth Year naman si Ato sa Electrical Engineering. Mahigpit na pinagbabawal sa kanilang ‘fraternity’ ang pakikipag-relasyon sa ka-brad subalit dahil laging magkasama ang dalawa, naging sila rin sa huli. Napilitan silang kumalas sa Beta Sigma, walang nakaalam ng dahilan ng kanilang pag-alis, hanggang nung ika-limang taon ni Tes, second semester, nabuntis siya. Hindi na naka-graduate si Tes. Si Ato naman, nakatapos ng pag-aaral subalit piniling ‘di umakyat sa entablado. “Nung malaman ng ina ni Ato na buntis ako, hindi na ako pinaluwas ng Maynila… agad kaming kinasal,” kwento ni Tes. Sa Sta. Maria, Bulacan naganap ang kasalan. Isang taon ring namalagi dun sina Tes. Dito na rin siya nanganak. Taong 1995, nagdesisyon silang bumukod. Umupa sila sa Gulod, Laguna malapit sa bahay ng kapatid.

Maganda ang unang naging trabaho ni Ato. Sa Muntinlupa sa isang construction site bilang isang ‘engineer’. Ang magandang posisyon ni Ato sa trabaho sa simula lang pala. Kinalaunan nauwi siya sa pagmamason…laborer. “Madalas naming away yan, masyadong mahina ang kanyang loob,” wika ni Tes. Ganito man ang sitwasyon, hindi bumitiw si Tes, itinatak niya sa isip, ayaw mabakante sa trabaho ng mister kaya’t lahat pinapasok nito. Sinubukang tulungan ni Tes ang asawa. Nag-ekstra siya sa pag-aahente ng lupa. Hindi naman niya nagawang magtrabaho ng tuloy-tuloy dahil halos taon-taon siyang buntis. Mula sa pagkokonstraksyon, maswerte   namang nagkaroon ng permanenteng trabaho si Ato. Naging Assistant Cook siya sa isang restaurant.  Tatlong daan at limampung piso ang sahod ni Ato. Kada dalawang araw siya kung umuwi. “Walong daan ang perang inaabot niya sa akin. Sobra pa sa sahod niya. Tip daw yun ng mga costumer,” wika ni Tes. Taong 2009, buwan ng Mayo napansin ni Tes ang pagbabago ng asawa. Ang halagang Php200 para na sa tatlong araw nilang mag-iina. Giit ng mister, “Mi, marami kasi akong utang sa bumbay…”

Hindi daw pinagduduhan ni Tes nung una ang asawa. Nagtiwala ang misis.

Isang taong makalipas, habang papunta si Tes sa restaurant, nakita niya sa labas ng Walter Mart, Cabuyao ang mister. “Anong ginagawa mo dito? Diba dapat nagluluto ka?” tanong ng misis. Sagot ng mister, nag-gogrocery siya. Maya-maya dumating si Remy, umano’y kinakasama ng may-ari ng restaurant. Lumayo kay Tes ang dalawa, nag-usap na parang may tinatago. Ilang sandali umalis rin si Remy. Mabilis siyang nilapitan ng mister, sabay sabing, “May binilin lang si Mam… Mi.” Hindi ito ang unang pagkakataong nakita ni Tes na magkasama ang dalawa kaya naman naisip niya puntahan si Ato sa restaurant kinahapunan. Nagulat siya ng makitang magkasama pa rin sa restaurant ang dalawa. “Oh magkasabay pala kayong umuwi? Akala ko ba may binilin lang?” pagdududa ng misis. Paliwanag ni Ato wala siyang magagawa boss niya si Remy. Nung parehong taon, habang namamasyal ang anak kasama ang mga kaklase nakita nito si Ato at Remy na magkasama sa SM. Dala ng kahihiyan, lumayo ang anak kasama ang mga kaibigan. “Ma… si papa ba may ibang babae?” tanong nito kay Tes. Mabilis ang naging sagot ni Tes, “Wala! ‘Di yan magagawa ng ama niyo. Mahal niya tayo!”  Kasabay ng paglayo ni Ato sa pamilya ang pagtigil ng sustento nito. Sinubukang manghingi ng mga anak ni Ato subalit dumating sa puntong batuhin na daw ng pera. Hunyo 2012, muling pumunta sa restaurant si Tes. Wala dun si Ato si “Akong” isang ‘helper’ ang kanyang naabutan.

“Oh… umalis si Ato, hindi ba umuwi sa ’yo?” sabi ni Akong. Nagpalipas ng oras si Tes sa Walter Mart, pagbalik niya sa restaurant, kaaalis na naman daw ni Ato. Sinundan niya ito. Nakita niyang pumasok ito sa Walter Mart subalit nawala rin sa kanyang paningin. Hinintay niya si Ato sa labas. Bumuga-buga muna ito ng sigarilyo sa tapat ng traysi­kelan at saka sumakay. Sinundan niya ang mister. Nagtaka siya kung bakit papunta ang tricycle sa bahay ni Remy. Nag-antay sa labas ng bahay si Tes mula umaga hanggang hapon. Nilapitan siya ng ilan sa mga kapitbahay, “Ano bang ginagawa mo sa kalsada?” “Asawa po ako ni Gilbert…” sagot ni Tes. Samu’t saring reaksyon daw ang kanyang narinig, “Huh?! Eh akala namin binata yan? D’yan yan umuuwi… Alam naming mag-asawa sila.” Mas nagulat ang lahat ng sabihin ni Tes ang bilang ng kanilang anak. Magdamag binantayan ni Tes ang bahay. Tinapat ang tenga sa bakuran at nakinig kung anong ginagawa ng dalawa sa loob. Alas kwarto na ng hapon ng lumabas si Ato, pagkalag pa lang ng lock ng gate mabilis na nagpakita si Tes, “Oh, madedeny ka pa?!” Pagtanggi ni Ato, “ Mi…Tinuturuan ko lang siya…” Sinabi ni Ato na nag-aaral si Remy sa Alternative Learning School (ALS).

“ALS? Eh pagkukulot tinuturo dun at saka meron bang nagtuturo na humahagikgik?!” anya ni Tes. “Bakit ba? Nahuli mo ba kaming magkapatong. Madumi lang isip mo!” sabi ni Ato sabay kaladkad sa kanya palayo. Umabot sa barangayan ang nangyari subalit ‘di sumipot sina Ato at Remy. Buwan ng Hunyo hindi na umuwi si Ato sa mag-iina.

Itinampok namin siya CALVENTO FILES sa radyo. “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 KHZ (Lunes-Biyernes 3:00-4:00PM at Sabado 11:00-12:00NN).

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, tiniyak muna namin kay Tes kung handa na ba talaga siyang kasuhan ang kanyang mister o baka ang gusto lang niya ay sampahan ito ng kaso, takutin para bumalik itong muli sa kanila. Kasong R.A 9262 /Abandonment ang pwedeng kaharapin ni Ato sakaling magdesisyon itong si Tes na siya’y ireklamo. Kung gusto naman niyang kasuhan ng pakikiapid sa ibang babaeng ‘di asawa (Concubinage) si Ato, kailangan niya ng matibay na ebidensyang magpapatunay na itong si Ato’y kasama sa isang bahay si Remy bilang ‘concubine’. (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL) Ang aming numero 09213263166(Aicel)/ 09198972854 (Monique) /09213784392 (Pauline). Tumawag sa 6387285 at 24/7 7104038.Address: 5th floor CityState Centre bldg. Shaw Blvd., Pasig.

Show comments