P30 milyong puslit na yosi nasabat ng Philippine Navy sa Davao del Sur

MANILA, Philippines — Umiskor ang mga elemento ng Philippine Navy kasunod ng pagkakasamsam ng tinatayang umaabot sa P30 milyong halaga ng mga smuggled na sigarilyo sa isinagawang operasyon sa karagatan ng Digos City, Davao del Sur, kamakailan.

Sa naantalang report ng Naval Forces Eastern Mindanao, naharang ng mga operatiba ng Philippine Navy ang dalawang watercraft na naglalaman ng mga smuggled cigarettes.

Bandang alas-8 ng gabi nang maispatan ng Philippine Navy ang dalawang watercrafts na kinabibilangan ng M/L ER-FAR at M/B QAIREEN na nakadaong may 1,000 yards sa Digos Point.

Ang mga tripulante ay inililipat ang nasa 1,000 cases ng mga smuggled na sigarilyo sa isang bangka at dito na sinita ng mga elemento ng Philippine Navy kung saan walang silang maipakitang legal na dokumento sa produktong kanilang idinidiskarga.

Sumunod namang ininspeksiyon ang M/L ER-FAR  na nagsasagawa rin ng paglilipat sa isa pang watercraft ng 800 master cases ng mga puslit na sigarilyo.

Agad na kinumpiska ng mga elemento ng Philippine Navy ang naturang mga epektos na sa pagtaya ay aabot ng P30 milyon.

Show comments