MANILA, Philippines (Updated 3:51 p.m.) — Patay ang isa habang sugatan naman ang marami pang mananampalatayang Katoliko matapos bumagsak ang bahagi ng ikalawang palapag ng isang simbahan sa San Jose del Monte, Bulacan habang nagdaraos ng misa.
Miyerkules ng 7 a.m. nang mangyari ang insidente sa St. Peter Apostle Parish Church sa Brgy. Tungkong Mangga kasabay ng pagdagsa ng nagsisimba para sa "Ash Wednesday."
Sa ulat ng state-owned PTV4, sinabing isang 83-anyos na ang kumpirmadong nasawi ilang saglit matapos maisugod sa kalapit na pagamutan. Umakyat naman sa 52 katao ang sugatan kaugnay nito.
Ibinahagi rin ng ilang netizens ang video ng pagbagsak sa simbahan, kung saan makikitang nagsasaklolohan ang mga kapwa parokyano ng simbahan.
Agad namang rumesponde sa insidente ang mga tauhan ng City Disaster Risk Reduction Management Council gaya ng San Jose del Monte City Police Station, Bureau of Fire Protection, City Engineering Office, City Traffic Management - Sidewalk Clearing Operations Group, City Health Office, at City Disaster Risk Reduction Management Office (CDRRMO).
'Second floor gawa sa kahoy'
Sa panayam ng dzBB, sinabi ni SJDM City Disaster Risk Reduction Management Office head Gina Ayson na minor injuries, pasa at pananakit ng balikat ang itinamo ng mga nagsisimba.
"'Yung second floor po na 'yun, made of wood. Kaya medyo bumigay po siya dahil na rin siguro sa bigat ng mga nagsisimba ngayong umaga na ito," paliwanag ni Ayson.
"Medyo marami po talagang tao. Sabay po siya eh sa pila po ng pagpapahid ng abo. Kaya po talagang dumagsa 'yung tao."
Mananatiling sarado sa ngayon ang simbahan hangga't hindi pa natatasa ng mga otoridad ang kalagayan ng simbahan.
Sinasabing may katandaan na rin ang bahay sambahan bago mangyari ang pagbagsak.
Personal namang tinugo ni SJCM Mayor Arthur Robes ang pinangyarihan ng pagguho habang pinag-iingat ang lahat.
"Ipinagagamot din po natin ang mga kababayan nating nasugatan at naapektuhan dahil sa pangyayaring ito," ani Robes.
"Mag-uupdate po tayo at magbibigay ng buong detalye maya maya lamang."