TUGUEGARAO CITY, Philippines – Anim katao kabilang ang tatlong miyembro ng pamilya ang nasawi habang 16 pa ang malubhang nasugatan sa magkakahiwalay na sakuna sa lansangan sa lalawigan ng Isabela at Nueva Vizcaya nitong Biyernes ng gabi.
Ayon kay Isabela Provincial Police Office (PPO) Director P/Sr. Supt. Sotero Ramos Jr., bandang alas-7 ng gabi nang magbanggaan ang Nissan Homy van na minamaneho ni Danilo Pasicolan, 46 anyos at ang Mitsubishi Delica van na minamaneho naman ni Thomas Malazzab, 39 taong gulang sa national highway ng Brgy. Ugad, Tumauini, Isabela .
Sa lakas ng salpukan ay agad nasawi ang dalawang driver at ang pasahero ni Malazzab na inaalam pa ang pagkakakilanlan.
Ang sampung nasugatang mga biktima ay kasalukuyan ng nilalapatan ng lunas sa Faustino Dy Hospital.
Sa imbestigasyon patungo sana sa Cabagan, Isabela ang Nissan Homy na minamaneho ni Pasicolan ng makabanggaan nito ang kasalubong na van na minamaneho naman ni Malazzab sa nasabing lugar.
Sa hiwalay na balita, patay naman ang magkakapatid na sina Amadeo, 46; Camilo, 41 at Karen; pawang may apel-yidong Buhangin; pawang ng Reina Mercedes, Isabela matapos na aksidenteng bumaliktad ang sinasakyan ng mga itong Isuzu forward truck sa bayan ng Diadi, Nueva Vizcaya.
Isinugod naman sa paga-mutan ang mga sugatang sina Wilmer Daguio, driver ng truck; Wencess Tuppil, Philip Proboso, Dante Espinueva, Antonio Ramos at Pedro Talosig.
Inihayag ni Inspector Norly Gamal, hepe ng Diadi, dakong alas-10:23 ng gabi ng mawalan ng preno ang truck (BCN 783) na nagbunsod sa sakuna na ikinasawi rin ng dalawa sa mga sakay nitong baka at kalabaw na ibibiyahe sana sa Urdaneta City, Pangasinan.