Mag-asawang trader, kritikal sa ambush

TUGUEGARAO CITY, Philippines-  Kap­wa nasa kritikal na kalagayan ang mag-asawang negosyante matapos na pagbabarilin ng motorcycle riding-in-tandem na mga salarin sa naganap na pananambang sa kahabaan ng national highway ng Brgy. Ubbog, Sinait, Ilocos Sur nitong Biyernes ng gabi.

Kinilala ni Supt. Marlo Castillo, Spokesman ng Ilocos Sur Police Office ang mga biktimang nagtamo ng tama ng bala ng cal. 45 pistol sa iba’t ibang baha­ging katawan na sina Toribio Bonifacio at ang misis nitong si Merlita ng nasabing lugar.

Nabatid na pauwi  na sa kanilang tahanan galing sa Brgy. Binacud ng nasabing bayan dakong alas-10 ng gabi ang mga biktima nang ratratin sila ng mga hindi nakikilalang mga armadong salarin sa abandonadong bahagi ng highway. Patuloy namang nilalapatan ng lunas sa Mariano Marcos Memorial Hospital at Medical Center sa Batac City, Ilocos Norte ang mag-asawa. Iniimbestigahan pa ang motibo ng pamamaril sa mga biktima.

 

Show comments