Dalagita kinatay ng adik

ILAGAN CITY, Philippines – Isa na namang kalunus-lunos na kamatayan na inihalintulad kay Cyrish Magalang ng Bacoor City, Cavite ang sinapit ng 15-anyos na estudyante kung saan tinangka pang halayin ng traysikel driver na lango sa bawal na droga sa Barangay Rang-ayan sa bayan ng Roxas, Isabela kamakalawa.

Aabot sa 18-saksak sa katawan ang tumapos sa buhay ni Diana Rose Bajo ng Barangay Nueva Era, San Manuel, Isabela.

Samantala, tinutugis naman ng pulisya ang suspek na si Rolando Esguerra, 47, ng nasabing barangay.

Lumalabas  sa pagsisiyasat ng pulisya na magkasamang sumakay ng traysikel ng suspek ang biktima at kaibigan nitong si Vilma Estevez.

Sinasabing nagpahatid ang magkaibigan sa kanilang bahay subalit dinala sila ng suspek sa liblib na irrigation canal kung saan tinangkang halayin.

Nanlaban naman ang dalawa kaya sinaksak ng suspek  sa tagiliran si Estevez subalit nagawang nitong makatakbo palayo hanggang sa mawalan ng ulirat sa ospital.

Naiwan naman si Bajo hanggang sa kinabukasan ay natagpuan ng mga awtoridad  ang bangkay ng dalagita sa gilid ng irrigation canal.

Isinailalim na sa pagsusuri ang katawan ni Bajo kung hinalay ito ng suspek bago iwanang patay.

Show comments