MANILA, Philippines - Bultu-bulto ng mga bala, nakalalasong kemikal, eksplosibo at ilang matataas na kalibre ng armas ang nasamsam ng mga awtoridad kasunod ng pagkakaaresto sa sampu katao sa raid sa isang mining site sa Zamboanga del Sur kamakalawa.
Ayon kay PNP-Criminal Investigation and Detection Group P/Director Samuel Pagdilao Jr., sinalakay ng CIDG Region 9 sa ilalim ng superbisyon ni Sr. Supt. Edgar Danao ang sampung kubo sa mining site sa Onaw-Onaw at Tinago sa Brgy. Depore, Bayog ng lalawigang ito na nagresulta sa pagkakatimbog sa 10 katao.
Bandang alas-6:30 ng umaga nang magkakasunod na salakayin ng CIDG Region 9 operatives katuwang ang mga kinatawan ng Mines and Geosciences Bureau ang nasabing mining site.
Kinilala ni Danao ang mga nasakoteng suspek na sina Avelino Penniz, 50, retiradong sundalo; Tirso Calderon, 48; Christopher Umpad, 24; Marcial Pinero, 28; Pelmar Villaluz, 33; Arjay Cuer, 17; Alberto Llamos, 59; Ronald Cariaga; Esidro Cuardra, 32 at Camilo Calunsag, 58-anyos.
Gayunman, nakatakas sa raid ang operator ng mining site na sina Julieto Monding alyas Gingging at Rosalyn Paquit. Isinagawa ang raid matapos na makatanggap ng impormasyon ang mga awtoridad sa illegal na aktibidades sa lugar.
Nasamsam sa operasyon ang isang M14 rifle, isang armalite rifle, isang KG9 rifle, apat na shotgun, isang SAS 12 shooter, isang USAS-12, isang 12GA, isang K3 9 MM, machine pistol, dalawang cal 45 pistol, isang cal 38 revolver, tatlong granada, apat na sako ng dinamita at bulto ng mga bala. Nakuha rin ang 437 kilo ng cyanide chemicals, tatlong plastic container ng Nitric acid, 45 sako ng limestone, 25 sako ng carbon, 3 sako ng activated carbon, isang litro ng potassium iodide at isang litro ng silver nitrate.