'Sirena' nag-suicide

SARIAYA, QUEZON, Philippines – Dahilan sa panunumbat ng sariling ama na siya ay isang sirena o bading, nag-suicide ang isang 21-anyos matapos magbigti sa Brgy. Manggalang Uno sa bayang ito kamakalawa ng madaling araw.

Kinilala ang nasawi na si Elvin Castillo na isa nang malamig na bangkay nang matagpuan ng kaniyang mga kasambahay kinabukasan ng umaga.

Ayon sa ulat ni SPO1 Noriel Banaag, bago natagpuang patay ang biktima, dakong alas-4:30 ng madaling araw ay huli itong nakitang buhay na nakikipag-inuman sa kanyang mga kaibigan.

Umiiyak pang naikuwento ng bading na hindi umano matanggap ng kaniyang ama na isa siyang sirena, ang usong taguri ngayon sa mga bading.

Ikinasama pa ng loob nito ay lagi siyang sinusumbatan ng kaniyang ama kung saan madalas silang magtalo.

Sa matinding sama ng loob ay kumuha ang biktima ng isang nylon cord at itinali sa kisame ng bahay ng kanyang lola at doon ay tuluyang winakasan ang kaniyang buhay. Wala namang nakitang foul play ang mga awtoridad sa likod ng pagpapatiwakal ng biktima.

Show comments