OLONGAPO CITY , Philippines – Nagsumite na ng certificate of candidacy (COC) sa Comelec sa bayan ng Iba, Zambales si Olongapo City Mayor James “Bong” Gordon Jr. na tatakbo sa congressional race sa 1st district ng Zambales laban sa mga karibal na sina Jobo Magsaysay at ex-Subic Mayor Jeffrey Khonghun sa Mayo 2013 midterm elections.
Sinamahan si Gordon ng asawang si Anne Marie at mga suporter kung saan pormal na nagsumite ng kandidatura sa Comelec kasabay ng pangakong ipagpapatuloy ang serbisyo sa 1st distrito na matagal na niyang pinagsilbihan.
Si Gordon (Liberal Party) ay naging kongresista ng 1st District mula 1995 hanggang 2004 ay bumilis ang pag-unlad ng Olongapo City at mga bayan ng San Marcelino, Castillejos at Subic sa ilalim ng kanyang programang Health, Housing, Education, Labor, Livelihood, Peace and Order, Social Services at Sports (HELPS).
“Ang layunin natin ay umabot sa mas maraming tao ang Gordon HELPS program at gagawin ang lahat ng pagsisikap bilang kongresista ng unang distrito lalo’t buong ang suporta sa atin si Pangulong Aquino,” ani Gordon.
Nagsumite rin ng kandidatura si Anne Marie Gordon sa mayoralty race sa Olongapo City kung saan nangakong itutuloy ang mga inisyatiba ng kanyang mister at paiigtingin ang programang pangkalusugan at paglikha ng trabaho para sa mga residente.
Kasabay ni Anne Marie na nag-file ng kandidatura si Vice Mayor Rodel Cerezo at ang mga miyembro ng konseho ng Olongapo. Randy Datu at Alex Galang