QUEZON, Philippines – Napatay ang dalawang magsasaka matapos na pagbabarilin ng mga di-kilalang lalaki sa loob ng kanilang tahanan sa Barangay Arbismen sa bayan ng Guinyangan, Quezon kamakalawa ng gabi. Kinilala ng pulisya ang mga biktima na sina Roberto Belmin, 44; at Andres Malveda, 59. Ayon kay PO2 Crisologo Castillo, magkasamang nanonood ng telebisyon ang mga biktima sa salas ng bahay nang pasukin at ratratin ng dalawang di-kilalang lalaki. Nabatid na kinausap pa ng mga suspek ang dalawa bago isinagawa ang pamamaril na pinaniniwalaang alitan sa lupaing sinasaka ang isa sa motibo.