Hustisya sa pinatay na anak ng magsasaka

ILAGAN CITY, Philippines - Sa kagustuhang mabigyan ng hustisya ang pinaslang na anak, kahandaang magbigay ng bounty money ang mag-asawang magsasaka mula sa kanilang inipong halaga para sa anumang impormasyon upang madakip ang killer sa Brgy. Bingguang sa bayan ng San Pablo, Isabela.

Sinabi ni Maricris Delgado, handang magbigay ng pabuya ang mga matandang sina Calixtro at Marvie Delgado ng P20,000 para sa impormasyon sa kinalalagyan ng nagtatagong killer na si Rocky Baui 25.

Hiniling din ni Delgado sa publiko na hikayatin ang suspek na sumuko sa pama­magitan ng pag-text sa kanyang cell phone sa #09359789743.

Matatandaang niratrat hanggang sa mapatay ni Baui ang 19-anyos na dalagang anak ng mag-asawang magsasaka habang ito ay naliligo sa batalan sa likuran ng kanilang kubo noong September 15.

Ayon kay P/Supt. Vicente Valdez, hindi matanggap ng suspek ang pakikipagkalas ng dalaga na sinasabing sinuportahan nito ang pag-aaral sa Isabela State University kung saan magtatapos na sana sa susunod na taon.

Inaalam din ng pulisya ang pinagmulan ng M16 Armalite rifle na ginamit ng suspek sa krimen kung saan sinasabing ibinigay ng isang staff ng prominenteng politiko sa nasabing bayan.

Show comments