CAVITE, Philippines — Lasog ang katawan at nasawi ang 27-anyos na teacher matapos na mahulog mula sa ikatlong palapag ng eskuwelahan na sinasabing natangay ng hangin kasama ang tent kahapon ng tanghali sa Barangay Anabu 2-A sa Imus City, Cavite.
Kinilala ng pulisya ang biktima na si Ariane Jaye Dela Rosa, dalaga, high school teacher sa Southern Phil. Institute of Science and Technology at nakatira sa Block 6, L18, Molave Street sa Sagana Remville Homes, Brgy. Habay II, Bacoor City, Cavite.
Sa imbestigasyon ni PO3 Michael Formoso, nagde-decorate ang mga guro kabilang ang biktima para sa Aquaintance party sa ikatlong palapag nang bigla lumakas ang hangin.
Dito na nilipad ang tent kung saan nasa loob naman ang biktima na nag-aayos.
Tinangka pang sagipin ng kasamahang guro na si Roberth Laxina at estudyante na si Archie Sarreal subalit nakabitiw ang biktima kung saan lumagapak sa sementadong palapag.
Mabilis na isinugod sa Our Lady of Pillar Hospital subalit ideklarang patay dahil sa matinding sugat sa ulo.