MANILA, Philippines - Dahil sa sobrang depresyon matapos na kalasan ng girlfriend, minasaker ng 22-anyos na tomboy ang kaniyang lolo, lola at pamangking lalaki habang dalawa pa ang malubhang nasugatan sa Barangay Panacan, Davao City kahapon ng hapon.
Sa phone interview, kinilala ni SPO1 Leonardo Caibot, desk officer ng Sasa PNP ang mga napaslang na biktimang sina Fidel Liloc, 75; misis nitong si Teodora Liloc, 74; at 2-anyos na pamangking si Christian Mark Campano.
Isinugod naman sa ospital ang mga sugatang sina Christine Mae Campano, 11; at ang sanggol na si Kathleen Campano, 1 buwan.
Arestado naman ng pulis ang suspek na si Marivic Liloc na apo ng pinaslang nitong mag-asawang matanda at tiyahin ng mga bata.
Base sa imbestigasyon, naganap ang malagim na krimen sa Block 6, Lot 7, Pizarro Village bandang ala-una ng hapon.
Sa presinto, nagdilim umano ang isip ng suspek na ayon sa mga kamag-anak nito ay kinalasan ng kaniyang minamahal na syota na nakatagpo na ng lalaking ipinalit sa suspek.
Dahil sa matinding galit ay kinuha ng suspek ang matalim na kutsilyo sa kusina ng kanilang tahanan at pinagsasaksak ang mga biktima.
Nahaharap ngayon sa kasong 3 counts ng parricide at dalawang counts ng frustrated parricide ang suspek na kasalukuyang naghihimas ng rehas na bakal.