MANILA, Philippines - Dahilan sa pag-awat sa nag-aaway na bayaw at kapatid, nasawi ang apat na buwang buntis na misis na naputulan pa ng dalawang kamay makaraang pagtatagain ng naburyong na mister sa bayan ng Madalag, Aklan kamakalawa. Kinilala ang biktima na si Jenelyn Apolinario, 21, residente ng Poblacion ng bayang ito. Patuloy namang ginagamot ang sugatang si Laura Apolinario, nakatatandang kapatid ni Jenelyn na nagtamo ng mga sugat sa katawan. Sa ulat ni P/Senior Supt. Pedrio Escarilla, naganap ang insidente bandang alas-10:30 ng gabi matapos na mag-away ang mag-asawang Laura at ang suspek na si Jose Nagamos alyas Tongtong sa tahanan ng mga ito sa Barangay Napnot. Ayon sa imbestigasyon, nadatnan ni Jenelyn na nag-aaway ang bayaw at ang kaniyang ate kung saan sa kamalasan ay ito ang pinagbalingang pagtatagain ng suspek kung saan mabilis namang nakatakas.