TUGUEGARAO CITY, Philippines – Masaklap na kamatayan ang inabot ng 45-anyos na barangay kagawad matapos masaksak habang umaawat sa nagrambulang bisitang lango sa alak sa kanyang kaarawan sa Barangay Cabaruan, Cauayan City, Isabela kahapon. Kinilala ng pulisya ang napatay na si Arnulfo Calata habang nasakote naman ang mga suspek na sina Ronald Andres at Rodolfo Labog Jr. na kapwa nakatira sa Barangay Alicaocao. Sa imbestigasyon ng pulisya, nagwala ang mga suspek dahil sa kalasingan kaya kinuyog ito ng iba pang bisita sa selebrasyon ng birthday ng biktima. Nabatid na pumagitna ang biktima para umawat subalit nasaksak ng mga suspek habang nasugatan naman ang bisitang si Rene Eleuterio.