Pulis nag-suicide sa himpilan

MANILA, Philippines - Sabog ang bungo ng isang pulis na iniulat na nag-suicide matapos itong magbaril sa ulo sa himpilan ng Davao Oriental Provincial Police Office sa Mati City, Davao Oriental kamakalawa ng hapon.

Sa ulat ng Mati City PNP na nakarating sa Camp Crame, bandang ala-1:30 ng hapon nang matagpuang nakabulagta sa loob ng supply office ng DOPPO ang bangkay ng biktimang si PO3 Roel Ramos.

Si Ramos na isang biyudo at 20 taon na sa serbisyo ay residente sa bayan ng Lupon, Davao Oriental at nakatalaga sa PNP XI Regional Internal Affairs Office sa Camp Catitipan, Davao City.

Ang biktima ay may tama ng bala sa ulo at narekober sa tabi ng bangkay nito ang service firearm na cal. 38 revolver.

Bago ang insidente ay namataang nakikipag-usap ang biktima  sa non-uniformed personnel na si Perla Manuzon Bogoy na tinatanong nito sa accountability ng armas bilang dating property accountable officer ng 1106th Provincial Police Mobile Group.

Bukod sa suicide ay iniimbestigahan din ng pulisya ang iba pang anggulo.

Show comments