Ama pinatay sa saksak ng 11-anyos anak

MANILA, Philippines - Umabot sa sukdulan ang galit ng 11-anyos na dalagita matapos nitong mapatay sa saksak ang kaniyang sadistang ama na binubugbog na naman ang kanilang ina at puputulan pa ng paa sa loob ng tahanan sa Barangay Canbanua sa bayan ng Argao, Cebu kamakalawa ng gabi.

Gayon pa man, ayon kay P/Inspector Alejandro Batubalonos, hepe ng Argao PNP, tumanggi itong tukuyin ang pangalan ng suspek bunga na rin ng pagiging menor-de-edad kung saan isinailalim na sa kustodya ng lokal na tanggapan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Ang bangkay ng 38-an­yos na biktimang si Victoriano Alvarado, bus driver ay may nakatarak pang patalim sa dibdib nang matagpuan sa damuhan, ilang metro ang layo sa kanilang tahanan.

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumilitaw na naalimpungatan ang mga anak ng mag-asawa na isang 13 anyos na babae,11-anyos na suspek at ang 2-buwang gulang na sanggol sa kalabugan matapos na muli na namang bugbugin ng kanilang ama ang inang si Lucy Umpat Alvarado.

Sa testimonya ng mga kapitbahay ng mag-asawa, sinasabing kumatok pa ang dalagitang suspek sa bahay ni Miguel Tapales para humingi ng tulong dahil nag-aaway na naman ang kaniyang mga magulang.

Hindi ito pinansin dahil pangkaraniwan sa kanilang barangay ang ginagawang pambubugbog ng ama sa kaniyang misis.

Dito na bumalik ang dalagita sa kanilang tahanan at nang makitang puputulan na ng paa ng kaniyang ama gamit ang hacksaw ang ina ay kinuha nito ang bagong hasang kutsilyo sa kusina at pinagsasaksak ang ama.

Nagawa pang makatakbo ng ama pero hinabol ito ng kanyang anak na sinasabing nagdilim na ang isip at muling pinagsasaksak ang sariling tatay sa kaliwang dibdib kung saan duguang bumulagta sa damuhan.

Nabatid pa na ang biktima ay ilang beses nang nasisibak sa trabaho bunga ng iskandalong pambabae nito.

Show comments