Mister pumatay sa pagtatanggol sa misis

MANILA, Philippines - Dahil sa pagtatanggol sa sariling misis, napatay ng mister ang senglot na kapitbahay na nagtangkang saksakin ang kanyang asawa matapos pumasok sa kanilang silid sa bayan ng Lanuza, Surigao del Sur kamakalawa ng gabi.

Kinilala ang napatay na si Norme Fernandez, 43, kapitbahay ng mag-asawang Arnel Roz at Gemma Roz.

Base sa imbestigasyon, naganap ang insidente sa loob ng silid ng mag-asawa sa Barangay Bunga dakong alas-10:30 ng gabi.

Natutulog ang mag-asawa nang maalimpungatan sa nilikhang kaluskos ni Fernandez na may hawak na patalim matapos nitong pasukin ang kanilang tahanan.

Akmang sasaksakin ni Fernandez ang misis nang makipag-agawan si Arnel sa kapitbahay na sinasabing kaaway ng kanilang pamilya.

Nang maagaw ang patalim ay itinarak ni Arnel sa dibdib ni Fernandez na napuruhan agad kung saan sumuko naman sa pulisya ang mister. 

Show comments