Gang war 2 estudyante pinabulagta

MANILA, Philippines - Napatay ang dalawang high school student habang tatlong iba pa ang na­sugatan makaraang pagbabarilin ng dalawang di-kilalang lalaki sa Cotabato City noong Miyerkules ng hapon.

Kinilala ni P/Senior Supt. Marlo Martinez, deputy director ng Cotabato City PNP ang mga biktima na sina Saddam Ampatuan, 17;  at Mark Bandali, 15, kap­wa estudyante sa Ro­xas National High School.

Si Ampatuan ay dead-on-the spot habang si Bandali naman ay namatay habang ginagamot sa ospital.

Pansamantala namang hindi tinukoy ng pulisya ang pangalan ng tatlong na­sugatang menor-de-edad na estudyante dahil testigo ang mga ito laban sa mga suspek.

Base sa ulat ng pulisya na nakarating sa Camp Crame, bandang alas- 4:45 ng hapon habang naglalakad ang mga estudyante mula sa eskuwelahan nang hintuan at pagbabarilin ng mga di-kilalang lalaki na lulan ng Toyota Corolla (UCH 906).

Mabilis na nagsitakas ang gunmen patungo sa direksyon ng T. J. Juliano Avenue.

Sinisilip ng mga imbestigador ng pulisya ang anggulong gang war at love triangle sa motibo ng gunmen.

Nagsasagawa na rin ng beripikasyon ang pulisya sa Land Transportation Office upang matukoy ang may-ari ng sasakyang ginamit sa krimen.

Show comments