Ina, 2 anak minasaker ng ama

BATANGAS, Philippines  - Kalunus-lunos na kamatayan ang sinapit ng mag-iina matapos pagtatagain ng kanilang ama na sinasabing nawala sa tamang pag-iisip bago nagpakamatay sa bahagi ng Barangay Janopol Oriental saTanauan City, Batangas noong Lunes ng gabi.

Sa police report na nakarating kay P/Supt. Je­rimias Aglucud, hepe ng Tanauan City PNP, kinilala ang nag-amok at nag-suicide na ama na si Feliciano Gomez, 27, magsasaka; at ang mag-iinang minasaker na sina Sheriann Mendoza, mga anak na sina Angeline Gomez, 2; at Angelica Gomez, 1.

Sa inisyal na imbestigas­yon ni PO3 Rowell Maala, ganap na alas-7:40 ng gabi nakatanggap ng tawag ang himpilan ng pulisya mula kay Barangay Chairman Froilan Montemayor kaugnay sa naganap na pananaga sa kanilang lugar.

Kaagad naman nagtungo ang kapulisan para imbestigahan kung saan natagpuan ang mga bangkay ng pamilya Gomez na mga naliligo sa sarili nitong dugo sa loob ng kanilang mumunting tahanan.

Base sa salaysay ng mga nakasaksi, dumating ang ama ng mga bata na may hawak na machete at sa hindi malamang kadahilanan ay nagdilim ang pag-iisip nito bago pinagtataga ang mag-iina sa mga leeg.

Matapos ang pamamaslang sa kanyang mag-iina ay kinitil din ng mister ang kanyang buhay kung saan nilaslas nito ang sariling leeg gamit ang machete.

Lumilitaw na nagselos si Feliciano sa kanyang ka-live-in bago nito pinagtataga ang kanyang pamilyang walang kalaban-laban. Dagdag ulat ni Joy Cantos

Show comments