Tourism officer itinumba ng tandem

KIDAPAWAN CITY, Philippines – Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang officer-in-charge ng Tourism and Investment Promotions Office sa panibagong karahasang inihasik ng riding-in-tandem sa Kidapawan City, North Cotabato kahapon ng umaga.

Apat na tama ng bala sa katawan patikular sa dibdib ang tumapos sa buhay ni Marife Pame.

Si Pame ay niratrat habang pasakay ng traysikel sa harap ng kanyang bahay sa Sandawa Homes Phase 1 bandang alas-9:10 ng umaga.

Base sa police report, nakatakda sanang dumalo si Pame sa pagdinig ng Lupong Tagapamayapa ng Barangay Poblacion sa Kidapawan City para resolbahin ang pampamilyang kaso nang maganap ang pamamaril.

Ayon sa anak ni Pame, naghihintay na siya sa may Investment and Tourism Office sa plaza para sumabay sa ina na dumalo sa pagdinig ng Lupon nang gulantangin ng masamang balita.

Kaugnay nito, agad ipinag-utos ni Mayor Rodolfo Gantuangco sa pulisya ang pagtugis sa gunmen na pansamantalang hindi muna isiniwalat ang pagkakakilanlan ng mastermind.

Show comments