MANILA, Philippines – Dalawa magsasaka ang iniulat na pinabulagta habang sugatan naman ang dalawang iba pa matapos na pagbabarilin ng di-kilalang lalaki na nagpanggap na courier ng package sa Barangay Victoria sa bayan ng San Remigio, Cebu noong Sabado ng gabi.
Si Teodoro Remando, 53, ay nagtamo ng tatlong tama ng bala sa likuran habang si Roland Dacayana, 49, ay tinamaan naman sa ulo at kapwa idineklarang patay sa Bogo Provincial Hospital.
Sugatan ang ka-live-in ni Dacayana na si Celadel Marianito, 32, at ang 17-anyos nitong apo na si Teodoro Remando Jr., kapwa inilipat sa Vicente Sotto Memorial Medical Center sa Cebu City.
Batay sa ulat, pasado alas-8 ng gabi nang kumatok sa tahanan ng mga Remando ang lalaking nagpanggap na courier ng package at ihahatid para sa matandang Remando.
Kasalukuyang nanonood ng telebisyon ang magka-live-in at ang 17-anyos na binatilyo nang kumatok ang gunman kung saan hinahanap si Teodoro para sa package.
Gayon pa man paglabas ng biktima sa kaniyang silid sa ikalawang palapag ng 2 storey house ay agad itong pinagbabaril ng gunman.
Duguang bumulagta si Teodoro at nadamay naman si Dacayana na tinamaan sa ulo habang sugatan naman ang dalawa. Dagdag ulat ng Freeman News Service