ILAGAN CITY, Philippines - Tinatayang aabot sa P.6 milyong halaga ng pananim ang naabo matapos masunog ang walong ektaryang plantasyon ng tubo na malapit na sanang anihin sa Sitio Locson, Barangay Binatug sa bayan ng San Mariano, Isabela kamakalawa.
Batay sa report na ipinalabas ni Isabela PNP Director P/Senior Supt. Franklin Mabanag, ang pagkalat ang apoy na tumupok sa tubuhan ay nadiskubre ng katiwalang si Jason Gacias nong Biyernes.
Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya na pinagmulan ng apoy ay ang ginawang pagsiga ni Joseph Tulinao sa mga dayami ng kanyang inani na cassava sa kadikit na lupain ng plantasyon ng tubo kung saan gumapang ang apoy.
Pinakahuli ang nasabing pagkakasunog ng plantasyon ng tubo na pag-aari ng Ecofuel Land Development Management Corp. kung saan naunang nasunog ang apat na ektaryang tubuhan na pag-aari ng Ecofuel noong Miyerkules sa Barangay Villa Pereda, Bayan ng Delfin Albano.
Ang Ecofuel ang korporasyong naghahatid ng tubo bilang raw material sa ipinapatayong Bio-ethanol plant sa bayan ng San Mariano na inaasahang mag-uumpisa sa 2013.