MANILA, Philippines - Matagumpay na nasagip ng hepe ng pulisya ang 7-anyos na nene matapos i-hostage ng drug addict sa dalawang oras na hostage-drama sa Cebu City, Cebu kahapon ng umaga.
Sa phone interview, sinabi ni Cebu City PNP Director P/Senior Supt. Melvin Ramon Buenafe na pinangunahan niya ang negosasyon at rescue operation upang mailigtas ang biktimang Grade 2 pupil na itinago sa pangalang Judy habang nasakote naman ang suspek na si Paul “Junjun” Guigue.
Bandang alas-9 ng umaga nang bigla na lamang sunggaban ng suspek ang biktima bago dinala sa kaniyang tinutuluyang bahay sa CRCI compound sa Barangay Apas.
Agad namang rumesponde ang mga tauhan ng Special Weapons and Tactics Team sa pamumuno ni Buenafe na siya mismong nakipagnegosasyon sa suspek na armado ng ice pick at gunting.
Nabatid na ang suspek ay lango sa alak at humihingi ng P500.00 sa mga negosyador para pamasahe nito patungong Bohol.
Nang makakita ng pagkakataon ay sinunggaban ni Buenafe ang kamay ng suspek upang bitiwan nito ang hawak na dalawang patalim.
Sa presinto, sinabi naman ng suspek na may mga taong papatay sa kaniya kaya hinostage niya ang bata at inamin rin nitong isa rin siyang drug user.